Labis ang pagsisisi ng isang security guard ng isang botika sa Baybay, Leyte nang aksidenteng pumutok ang kaniyang baril at tamaan ng bala sa dibdib ang kaniyang kaibigang empleyado.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang nasawing biktima na si Kaizen Narborita. Inaresto naman ang kaibigan niyang security guard na si John Degrano Marte.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na aksidenteng pumutok ang baril ni Marte at tumama muna ang bala nito sa pinto ng banyo at tumagos sa bodega kung nasaan si Narborita.

Mabilis na isinugod sa ospital si Narborita pero idineklara siyang dead on arrival.

"Hindi ko sinasadya ang nangyari, matalik na kaibigan ko 'yan. Sa mga magulang ni Kaizen, pasensya na po sa nagawa ko. Alam kong hindi ko na maibabalik ang buhay ng anak niyo pero sana mapatawad niyo ako," ayon kay Marte.

Sa ngayon, naniniwala ang mga pulis na aksidente nga ang nangyari pero patuloy daw silang magsasagawa ng imbestigasyon. -- FRJ, GMA News