Patay na at nakabalot sa kumot nang matagpuan ang isang tatlong-taong-gulang na babae sa masukal na bahagi ng Barangay Lupi sa San Fernando, Camarines Sur.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabi ng pulisya na dakong 3:00 pm nitong Lunes nang matagpuan ng mga magulang at pulis ang bangkay ng biktima.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung paano nasawi ang biktima pero itinuturing suspek ang kapatid nitong 14-anyos.

Batay umano sa salaysay ng isang saksi, nakita nito na kasama ng biktima ang kapatid nitong Lunes ng umaga.

"Nakita niya na itong bata, karga, may takip na iyong...may takip ibig sabihin taob na iyong mukha, may takip na iyong mukha. then dala niya papunta doon sa may madamong lugar," ayon kay Police Inspector Juvy Llunar, hepe ng San Fernando Police.

Pinaghihinalaan umano na may diperensiya sa pag-iisip ang kapatid ng biktima.

"Base naman doon sa sinabi ng witness doon sa mga magulang is... parang may palagay sila na talagang iyong anak din nila iyong nakadisgrasya doon sa bata," ayon pa sa pulis.

Tumanggi umanong magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima pero kausap na raw sila ng pulisya.-- FRJ, GMA News