Humantong sa habulaan ang pag-aresto sa driver ng isang SUV na nadawit umano sa hit-and-run sa Agoo, La Union.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa isang cellphone video ang pag-corner ng police mobile sa SUV ng suspek.
Kalaunan, pinaputukan ng isang pulis ang gulong ng SUV para hindi na ito makaandar pa.
Isa pang pulis ang binasag ang bintana ng sasakyan para mapasuko at lumabas ang driver.
Sinabi ng pulisya na nadawit sa aksidente ang naturang driver ng SUV at isang kotse sa bayan ng Bauang.
Habang patungo ang SUV at kotse sa estasyon ng pulis, biglang lumiko ng direksiyon ang SUV kaya hinabol ng mga rumespondeng pulis.
Noong maghabulan, ilang sasakyan pa ang nadamay, kabilang ang isang tricycle na tumagilid matapos mabundol ng SUV.
Nahaharap sa patong-patong na reklamo ang driver ng SUV, habang naghain na rin ng search warrant ang pulisya para mahalughog ang loob ng sasakyan.
Sinusubukan pang kunan ng pahayag ang driver ng SUV. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
