Bistado ng mga pulis ang modus ng ilang suspek ng droga sa Bacoor, Cavite na ikinukubli ang mga ibinebentang shabu sa isang Bibliya.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA "24 Oras" nitong Huwebes, narekober ng mga operatiba ang naturang Bibliya sa raid ng isa umanong drug den sa Barangay Molino III.

Sa labas, aakalaing normal na Bibliya ang aklat sa loob ay mayroon itong malaking uka sa gitna na nagsisilbing lalagyan umano ng ipinagbabawal na gamot.

"Para lang siyang normal na papunta ng Bible study o kaya magsasamba kaya sino ba ang mag-aakala na ang hawak niyang Bibliya, 'yun pala ang sa loob ay nandun 'yung shabu,"  sabi ni Police Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor Police.

Aminado naman ang suspek na si Arnel Escobar na sangkot siya sa bentahan ng droga pero itinanggi niyang siya ang pinakamalaking tulak ng droga sa lugar.

Iginiit din niyang "runner" lamang umano siya.

Isa si Escobar sa walong naaresto sa isinagawang operasyon.

Aabot sa P140,000 ang halaga ng nasamsam na shabu at drug paraphernalia.

Nakuha rin sa umano'y drug den ang isang scoreboard kung saan daw itinatala ang remittance ng mga tauhan ni Escobar.

Ikinasa na ng pulisya ang follow-up operation para mahuli ang iba pang miyembro ng naturang grupo.-- FRJ, GMA News