Patay ang isang babaeng pinaghihinalaang mangkukulam matapos pagtatagain sa Bulacan, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkules.
Natagpuang putol ang parehong kamay at may mga taga sa ulo at braso ang biktimang kinilalang si Mary Sanchez, 58, ng San Ildefonso.
Ayon sa anak ng biktima na si Menard, nakarinig siya ng sigawan mula sa bahay ng kaniyang ina kaya pinuntahan niya ito. Dito niya nakita ang karumaldumal na sinapit ng kanyang ina na wala nang buhay.
Dagdag pa niya, nakita rin niyang tumatakbo palayo ang kapatid ng kinakasama ng kanyang ina na si Michael Reyes.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulis, napagkamalan daw na mangkukulam ang biktima.
"Ang initial investigation, pinagkamalan na mangkukulam daw 'yung biktima pero albularyo daw, nanggagamot ng may sakit," sabi ng imbestigador na si Police Officer 1 Gringo Durante.
Nagsumbong sa pulisya ang anak ng biktima kaya naman agad na naaresto ang suspek.
Inamin ng suspek na ginawa nga niya ang krimen, pero iba raw ang kaniyang motibo.
"Nagkasagutan po kasi kami doon sa bahay kasi po kinausap ko po siya, nu'ng umuwi ako dun sa kanilang bahay, kung bakit bumalik ulit siya. Kasi nakiusap na po ako sa kanya noong dati pa na iwanan na niya ang kuya ko," paliwanag ni Reyes.
"'Yung galit ko..kasi nagdilim na 'yung paningin ko nu'ng nagkaroon kami ng argumento,” dagdag niya.
Nag-aasam naman ang anak ng biktima na maparusahan si Reyes sa ginawang krimen sa kanyang ina.
"Pagbayaran niya 'yung ginawa niya sa nanay ko, tutal may utang na loob din naman siya sa nanay ko," sabi ni Menard. "'Di ko alam bakit ganun, pinatay niya." —Joviland Rita/KG, GMA News
