Patay ang isang lalaking nag-amok sa Atimonan, Quezon nitong Sabado matapos siyang mabaril ng pulis.
Ayon sa Atimonan Municipal Police Station, may nagsumbong sa kanila na may isang lalaking may hawak na bolo na palakad-lakad at nanghahamon ng mga tao sa Barangay Inaclagan.
Inawat ng dalawang lalaki ang nasabing suspek ngunit ginamit nito ang hawak niyang bolo at pinagtataga sila.
Rumesponde ang mga pulis at nang lapitan ni Police Officer 1 Marco Polo Umali ang suspek ay siya naman ang akmang tatagain.
Nagpaputok na si Umali at natamaan ang suspek sa binti ng dalawang beses.
Dinala ang suspek pati na ang dalawang biktima sa Doña Marta Memorial District Hospital sa Lucena ngunit kinalaunan ay namatay ang suspek.
Inilipat naman ang dalawang biktima sa Quezon Medical Center sa Lucena. —Peewee Bacuño/KG, GMA News
