Patay ang driver at dalawang pahinante ng isang dump truck matapos ntong sumalpok sa isang gusali sa Atimonan, Quezon, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Nakausap pa ng rescuers ang mga lulan ng truck sa simula, pero hindi nagtagal ay wala nang sumasagot sa kanila.
Nang hilahin paatras ang truck mula sa pagkakabunggo, tumambad ang mga wala nang buhay na driver at dalawang pahinante nito.
Sa imbestigasyon, sinasabing nawalan ng preno ang dump truck sa palusong na bahagi ng Maharlika Highway dahil daw sa bigat ng mga grabang sakay nito kaya nagtuloy-tuloy ang truck sa gusali.
Naabutan pa ng mga rumesponde ang isang lalaking nahagip ng dump truck na nakadapa sa kalsada at hindi makagalaw. Agad siyang nadala sa ospital. —Joviland Rita/KBK, GMA News
