Naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Cebu ang isang 17-anyos na lalaki na umano'y suspek sa pagpatay sa 16-anyos na si Christine Silawan.

Sa ulat ni Guam Logronio ng RGMA-Cebu sa GMA news TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing batay sa paunang impormasyon mula sa NBI-Region 7, naaresto ang menor de edad na suspek noong Sabado ng umaga sa bisa ng arrest warrant sa Barangay Bankal sa Lapu-lapu City.

Lumilitaw na dating nobyo umano ng biktima ang suspek.

Naging  susi umano sa pagkakaaresto sa suspek ang mga impormasyon na nakuha ng NBI at kuha sa CCTV.

Tugma umano ang kuwento ng isang sakristan na kumakain sila ng balut ng biktima noong gabi nang mawala ito. Sandali umanong umalis ang sakristan para magbanyo pero pagbalik niya ay wala na si Silawan.

Bukod sa menor de edad na suspek, dalawang suspek pa umano ang hinahanap ng mga awtoridad.

Nitong Biyernes ng gabi, naaresto ng mga awtoridad sa Davao City si Jonas Bueno, na unang iniugnay din sa kaso ni Silawan. Pero kinalaunan, napatunayan na wala siyang kinalaman sa karumal-dumal na krimen na naganap sa Lapu-lapu.

Gayunman,  may ibang kasong pagpatay na kinakaharap si Bueno na naganap naman sa Danao City.

Matatandaan na nakita noong nakaraang linggo ang bangkay ni Silawan sa isang bakanteng lote sa Lapu-lapu na tadtad ng saksak sa katawan, binalatan ang mukha at inalis ang lalamunan.-- FRJ, GMA News