Patay sa matinding bugbog ang isang babae na kagagawan umano ng kaniyang ka-live in sa Calasiao, Pangasinan.  Ang hinihinalang ugat ng krimen, ang pagseselos ng suspek sa dating asawa ng biktima.


Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing natapuan ang bangkay ng biktimang si Mary Anne Gonzales, sa inuupahan nilang apartment sa Barangay Buenlag sa Calasiao.

Sumuko naman sa pulisya ang kaniyang ka-live in at suspek sa krimen na si Arjen Pangilinan.

"Hindi lang isang beses mo siya pinatay halos triple. Kasi kapag makita mo talaga, butas dito niya, butas niya diyan. Makatarungan ba ang ginawa niya," hinanakit ni Arceli Sanchez, kaanak ng biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na narinig ng ilang residente ang pag-aaway nina Gonzales at Pangilinan bago natagpuan ang bangkay na biktima na puro pasa ang katawan.

Hinihinala ng mga awtoridad na nagselos nang husto ang suspek sa dating asawa ng biktima.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag sa media ang suspek. -- FRJ, GMA News