Isang babae ang brutal na pinatay at pinagputol-putol pa ang bahagi ng katawan sa Angeles City, Pampanga. Ang suspek sa krimen, ang kaniyang ka-live in na napatay naman ng mga pulis.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Lindsay Avelino.  Suspek sa krimen ang kaniyang kinakasama na si Eduardo Pasion.

ADVERTISEMENT

Una umanong nakita ang katawan ni Avelino na wala nang ulo, kamay at paa sa loob ng washing machine sa nirerentahan niyang bahay nitong Lunes ng gabi.

Base sa impormasyong nakuha ng mga pulis,  suspek sa krimen si Pasion na natunton ng mga awtoridad sa isang abandonadong bahay.

Pero sa halip na sumuko, nakipagbarilan umano ang suspek sa mga pulis na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Sa loob ng naturang bahay, nakita naman ang isang maletang na may lamang ulo ng isang babae, dalawang paa at kamay.

Pinaniniwalaang ng mga awtoridad na mga bahagi ito ng katawan ni Avelino.

Matinding selos ang nakikita ng mga awtoridad na motibo sa krimen. --FRJ, GMA News