Nasa kamay na ng pulisya ang isa pang suspek sa pagpatay sa dalagitang si Christine Lee Silawan, na binalatan pa ang mukha sa Lapu-Lapu, Cebu noong Marso 11.
Sinabi ng Lapu-Lapu City Police na kailangan pa nila ng koordinasyon sa Special Investigation Task Group bago ilabas ang pagkakakilanlan at partisipasyon ng salarin," ayon sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team."
Matatandaan na nakita ang bangkay ni Silawan sa bakanteng lote noong Marso 11 na may mga saksak sa katawan, walang lalamunan at dila, at binalatan ang mukha.
Sa follow-up operation, dinakip ng mga awtoridad ang 17-anyos na dating nobyo ni Silawan na itinuturing pangunahing suspek sa krimen.
Inaresto ang lalaki noong Marso 16 ngunit iniutos ng piskalya na pakawalan siya. Lumabas daw kasi sa pagsisiyasat na hindi pasok sa kondisyon para sa warrantless arrest ang paghuli sa suspek.
Ngunit iniutos ni Pangulong Duterte na muling hulihin ang suspek kaya hawak na ulit siya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
