Dalawang tao ang patay at 17 ang sugatan matapos sumalpok sa concrete barrier ang isang pampasaherong jeep na naghahatid ng mga mag-a-outing sa Ibaan, Batangas.

Sinabi ni Police Master Sergeant Dexter Capacia ng Ibaan, Batangas Police na galing ng Calamba, Laguna ang mga biktima at papunta sana ng Lobo, Batangas para sa kanilang lakad, ayon sa ulat ng Super Radyo dzBB.

Tinatahak na ng pampasaherong jeep ang pababang bahagi ng kalsada sa Brgy. Balanga nang maaksidente ang sasakyan.

Isinugod sa Batangas Medical Center ang mga sugatang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. — Jamil Santos/MDM, GMA News