Dalawang drug suspek ang napatay ng mga pulis sa magkahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Cavite noong Miyerkoles at madaling-araw nitong Huwebes.

Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes ng umaga, patay ang isang suspek sa pagtutulak ng droga, at naaresto naman ang dalawa pa niyang kasama ng masukol ang mga ito ng mga pulis sa operasyon sa Rainbow Avenue sa Barangay Molino 3 sa Bacoor, Cavite madaling-araw nitong Huwebes.

Pahayag ng mga tauhan ng police-Bacoor, bibilhan sana nila ng P200,000 na halaga ng shabu ang mga suspek. Isang nakamotorsiklong pulis ang tumayong buyer ng droga.

Pero hindi pa man nagkakaabutan ng droga, nakahalata na raw ang mga suspek dahil sa puting sasakyan ng mga pulis na nakasunod sa kanila kaya't nagtangka silang tumakas sakay ng isang SUV.

Nakagitgitan nila ang puting sasakyan ng mga pulis at hindi na sila nakatakas. Bumaba umano ng sasakyan ang suspek at driver sa kanilang sasakyan at nakipagbarilan sa mga pulis.

Kinilala ang napatay na suspek na si Mama Pagetoden. Arestado naman ang mga kasama nitong sina Alladin Salik alias Allan, at Aladin Salic alias Yuyong.

Samantala, patay din ang isa pang suspek sa pagtutulak ng shabu na kinilala lamang sa alias Onel, nang makaengkwentro niya ang mga pulis sa Sitio Malipa, Barangay Maguyam sa Silang, Cavite dakong 11:30 noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa mga pulis, nakabili sila ng P500 na halaga ng shabu kay Onel, pero nakatunog daw ito na pulis ang kaniyang katransaksyon kaya't pinaputukan nito ang mga pulis. Pero pumalya raw ang baril nito.

Dito na gumanti ng putok ang mga pulis napatay si Onel. 

Ikinasa ang operasyon dahil tatlong barangy umano sa Silang ang binabagsakan ni Onel ng droga. —LBG, GMA News