Nagpang-abot sa istasyon ng pulisya ang mga biktima ng Police Paluwagan Movement (PPM) scam at ang mga kaanak ng suspek sa General Santos City, ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa Unang Balita ng GMA News nitong Huwebes.

Nagkatensyon sa San Isidro Police Station nang sumugod ang mga galit na biktima ng paluwagan scam para magpa-blotter noong Miyerkules ng gabi.

Kumagat kasi sila sa alok na 120 porsyentong  tubo ng PPM kada buwan.

Sabay-sabay na sumugod ang biktima sa istasyon ng pulis sa pag-aakalang nandoon ang suspek na si Eugene Naungayan.

Pero mga kaanak lang ni Naungayan ang inabutan nila doon na dumulog naman sa pulis dahil sa takot na kuyugin ng mga tao.

Bago maghatinggabi, uuwi sana ang mga kaanak ng suspek para kumuha ng damit nang bigla silang harangin ng mga galit na biktima.

Sinundan pa ng mga biktima ang mga kaanak ng suspek hanggang sa makarating sila sa bahay nito. Pero hindi pa rin nila nakita si Naungayan.

Sinisikap pa rin ng GMA News na makuha ang panig ni Naungayan at ng kanyang mga kaanak.

Marso nang sibakin sa puwesto ang tatlong opisyal ng Police Regional Office 12 dahil sa pagkakasangkot umano sa scam. —Joviland Rita/LBG, GMA News