Isang binatilyo sa Estancia, Iloilo ang nanganib ang buhay matapos siyang kapitan ng makamandag na uri ng jelly fish habang naliligo sa dagat.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing naliligo noon sa isang resort sa barangay Tanza ang 17-anyos na si Tyrone, kasama ang kaniyang dalawang pinsan na sina Dennis at Israel.

Unang nasalabay o nakapitan ng galamay ng dikya sina Dennis at Israel. Kaagad silang umahon mula sa dagat pero naiwan pa si Tyrone.

Hindi nagtagal, si Tyrone naman ang inatake ng dikya sa braso. Kaagad daw siyang nagtungo sa banyo para maalis ang mga kalamay na naiwang nakadik sa kaniyang braso.

Kuwento niya, sobrang init ang kaniyang pakiramdam at dumilim ang kaniyang paningin.

Si Tyrone ang may pinakamalalang pinsala pero masuwerte siyang nakaligtas.

Napag-alaman kinalaunan na ang mapanganib na uri ng dikya na box jellyfish ang umatake sa magpipinsan.

Ayon sa eksperto, ang venum o kamandag ng may toxins na umaatake sa puso at skin cells, na pandepensa nila sa mga predator at pang-huli ng kanilang pagkain.

Kung sa sensitbong bahagi ng katawan umano kumapit ang kalamay ng naturang uri ng dikya tulad sa pusod, maaaring mamamatay ang biktima.

Karaniwan din umanong dumadami ang mga dikya tuwing tag-init . At isa raw sa dahilan kung bakit sila madalas makita sa mga dalampasigan ay ang global warming at over fishing.

Sakaling makapitan ng dikya o masalabay, gamitin bilang pang-first- aid ang pagsaboy ng tubig-dagat o suka sa bahagi ng katawan na kinapitan ng galamay.

Huwag umano gamitin o pambuhos ang fresh water o tubig mula sa gripo at maging ang ihi. --FRJ, GMA News