Arestado ang apat na lalaki, kabilang ang isang nagpakilalang anak ng gobernador ng Davao Oriental, sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Matina, Davao City. Ang gobernador, kinumpirmang anak niya ang suspek at ikinalungkot ang nangyari.
Sa ulat ni Real Sorroche ng RTV-One Mindanao sa “Balita Pilipinas” nitong Martes, kinilala ang mga suspek na sina Rojhel Sanchez at Jossone Michael Dayanghirang, na umano'y mga high value target.
"Way back when I was the intelligence officer of Davao City we have linked this guys du'n sa mga previous targets natin. Most of them were already arrested and this guy [has] been elusive. Pero naubos ang kanilang suwerte," ayon kay Police Lieutenant Colonel Jed Clamor, hepe ng Toril Police.
Nabawi kina Sanchez at Dayanghirang ang mahigit P200,000 halaga ng pinaniniwalaang shabu.
"Lalabas na sana ako kasi nakidumi lang po ako doon," saad ni Sanchez.
Si Dayanghirang, nagpakilalang anak siya ni Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang, na unopposed candidate ngayong eleksyon.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Governor Dayanghirang, na anak nga niya ang dinakip na suspek at ikinalulungkot daw niya ang nangyari.
Sa isa pang operasyon, nadakip naman sina Linz Michael Surdilla at Vincent Erispe.
Nabawi sa kanila ng mga awtoridad ang umano'y illegal na droga.
"This is a part of the city directors instruction for me to intensify the fight against illegal drugs in Toril and sa iba pang gagawin nating anti-illegal operation sa loob ng ating AOR," sabi ni Police Lieutenant Colonel Jed Clamor, Chief, Toril Police.
Kahaharapin ng mga suspek ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
