Isang grade 10 student ang pumanaw matapos lagnatin sa Pagadian City. Ang biktima, hinihinalang na-rabies dahil napag-alaman na nakagat siya ng asong gala noong Disyembre pero hindi niya sinabi sa kaniyang mga magulang.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Aljon Terez ng Barangay Danlugan sa nasabing lungsod.
Ayon sa ina ng biktima, nilagnat ang kanyang anak nitong Sabado at napansin nilang nanghihina. Dito na nila nalaman na nakagat ng aso ang binatilyo noong Disyembre.
Kuwento umano ng binatilyo sa kaniyang mga magulang, nagpapakain siya ng aso ng kaniyang lolo nang biglang nakisali at kagatin siya sa kamay ng isang asong gala.
Kaagad na nilang dinala sa ospital ang biktima pero sa ika-limang ospital pa na-confine si Terez dahil wala raw gamot sa rabies ang unang apat na pagamutan na kanilang napuntahan.
Kinabukasan ng Linggo, pumanaw na ang biktima.
Dahil hinihinalang rabies ang ikinamatay ng bata, pinayuhan daw ng doktor ang mga magulang ni Terez na ilibing na kaagad ang biktima at huwag nang iburol. --FRJ, GMA News
