Isang binatilyo ang tinangkang kikilan at pinagbantaang papatayin ng tatlong lalaki sa Iriga City, Camarines Sur. Ang isa sa mga suspek na naaresto kinalaunan, nagpakilalang taga-Land Transportation Office.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, nakita sa CCTV ng isang gasolinan ang biktimang itinago sa pangalang Omar, habang nagpapakarga ng gasolina, kasama ang isang babae.

Sa video, makikitang nahirapan pa ang biktima na buksan ang sirang susian ng compartment ng motorsiklo para mabuksan ang takip ng fuel tank.

Hindi nagtagal, dumating ang tatlong suspek na sakay din ng motorsiklo na nakilala kinalaunan na sina Racel Luceña, Saypula Beriña, at isang menor de edad.

Lumapit pa kina Omar si Luceña at kinalikot ang keyhole ng compartment ng motorsiklo. Napansin daw ng biktima na may inihulog ang suspek sa compartment ng sasakyan.

Matapos makapagpagasolina, umalis na si Omar para ihatid sa bahay ang kaniyang kasamang babae. Pero sinundan sila ni Luceña at ng binatilyong kasama nila, habang naiwan si Beriña.

Matapos maihatid ni Omar sa kasamang babae, doon na raw siya hinarang ng mga suspek ang biktima at sinabihan na may ginawa siyang labag sa batas.

Maaari naman daw makipag-areglo sa kanila ang biktima kapalit ng pera o cellphone.

Pero nang sabihin ni Omar na wala siyang pera at cellphone, sinaktan daw siya ng mga suspek, sinabihan na may droga sa compartment, at tinakot na hindi na makakauwi ng buhay.

Doon na umano tumakas si Omar at iniwan ang kaniyang motorsiklo na tinangay ng mga suspek.

Nang makahingi ng tulong sa mga awtoridad, isinagawa ang follow-up operation at nadakip ang tatlo.

Nabawi rin ang motorsiklo ni Omar kay Luceña.

Tumangging magbigay ng pahayag si Luceña, habang itinanggi naman ng dalawa pa niyang kasama na may kinalaman sila sa insidente.

Pero ayon sa mga pulis, kilalang magnanakaw sa Iriga si Beriña, gayundin si Luceña na dati na rin daw nakulong dahil sa droga.-- FRJ, GMA News