Natagpuang patay sa loob ng tangke ng tubig ang dalawang lalaki sa San Juan, Batangas. Ang mga biktima, nagpipintura umano sa loob ng tangke bago maganap ang insidente.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ng mga biktima na sina Jose Almarez at Joel Ramos.

Ayon sa mga awtoridad, Sabado ng hapon nang pinturahan ng dalawa ang loob ng water tank ng barangay at kinalaunan ay madiskubre ng kanilang mga kaanak na wala na silang buhay.

Pinaniniwalaang na-suffocate o hindi nakahinga ang dalawa dahil sa kawalan ng oxygen sa loob ng tangke at sa lakas ng amoy ng pintura.

Isinantabi naman ng pulisya ang posibilidad ng foul play sa nasabing insidente.-- FRJ, GMA News