Ipinagdiriwang ngayon sa lalawigan ng Quezon ang kanilang taunang "Niyogyugan Festival."
Ang "Niyogyugan" ay hango sa mga salitang "niyog" at "yugyugan." Niyog dahil pagniniyog ang pangunahing ikinabubuhay ng malaking porsyento ng mga taga-Quezon.
Ang "yugyugan" naman ay pagsayaw. Nitong Biyernes ay pormal nang binuksan ang selebrasyon na tatagal ng sampung araw, August 16-26.
Tampok sa pagdiriwang ang Agriculture Trade Fair kung saan ang lahat ng bayan sa lalawigan ay nagtayo ng kani-kanilang booth upang ipakita ang mga ipinagmamalaking produkto.
Kahanga-hanga ang mga kubo na talagang pinagubusan ng panahon. Kitang-kita ang pagiging artistic ng mga taga-Quezon.
Ang mga kubo ay yari sa mga bahagi ng puno ng niyog. Mapapa-wow ka sa mga disenyong di mo aakalain na kaya palang makuha sa bao, bunot, dahon, balat at kayakas ng niyog.
May chandelier na gawa sa bao ng niyog. Mayronng tsinelas na gawa sa bunot ng niyog. May sabon, cooking oil, alak, ibat-ibang uri ng panghimagas at mga kakainin na nilahukan ng niyog. Mabibili rin sa murang halaga ang mga prutas at gulay na organiko.
Hindi rin mawawala ang souvenir items, native na bag, basket at masasarap na pagkain na sa Quezon mo lang matitikman tulad ng suman sa ibos at puto bao.
Sa unang araw ng selebrasyon ay aabot na sa 300,000 tao ang dumagsa at inaasahang dadami pa sa mga susunod na araw kung saan ay marami pa ang nakahandang programa tulad ng street dancing competition, seacrh for Ms. Niyogyugan at ang pagpaparangal sa mga natatanging Quezonian.
Ayon kay Governor Danny Suarez, ginagawa ang Niyogyugan Festival upang hindi lang sa pagko-copra naka-focus ang mga magsasaka. Dahil nga sa sobrang baba ng presyo ng copra ay marami naman raw iba pang pwedeng gawin at pagkakitaan sa puno ng niyog.
Maaaliw talaga ang mga bibisita sa Niyogyugan Festival. May mga kabataang tumutugtog ng mga musical instrument na yari sa kawayan.
Hindi rin mawawala ang tradisyunal na tagayan kung saan ay maaaring tikman ng mga bisita ang sikat na Lambanog ng Quezon.
Ang Lambanog ay natural na alak mula sa puno ng Niyog. Habang nagtatagayan ay aaliwin rin ang mga bisita ng mga tugtugin. Maaarin ring magsayawan pagkatapos ng tagayan. —LBG, GMA News
