Isang mag-asawa ang inaresto ng mga awtoridad matapos umanong ilibing nila ang kanilang anak sa gilid ng kanilang bahay sa Cagayan de Oro City, ayon sa ulat ng Balitanghali ng GMA News nitong Sabado base sa report ng GMA Regional TV One Mindanao.

Ayon sa pulisya, ni-report sa kanila ng mga kapitbahay ng mag-asawa na may umaalingasaw mula sa bakuran nila.

Mismong kapatid ng nasawing sanggol ang nagturo sa mga pulis kung saan inilibing umano ng kanyang ama ang sanggol.

Nang maghukay ang mga awtoridad, nakita nila ang labi ng siyam na buwang sanggol.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nilagnat ang sanggol at namatay noon pang nakaraang buwan.

Hindi raw inaalis ng pulisya ang anggulong may foul play.

Sabi ng ama ng sanggol sa pulisya, doon na nila inilibing ang anak dahil hindi raw nila alam ang kanilang gagawin.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mag-asawa na mahaharap sa kasong paglabag sa Sanitation Code.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. —KG, GMA News