Sugatan ang groom matapos mamaril ang isang pulis sa isang kasalan sa San Jose del Monte, Bulacan nitong Linggo ng gabi. Ang totoong target naman ay napatay kinalaunan.

Tinamaan ng bala sa kanang hita ang bagong kasal na si Reggie Tolosa matapos mamaril si Police Patrolman Jessie Gubat sa reception sa Barangay Citrus, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Dead on the spot naman si Karl Cleevan Rosal, bayaw ng groom, ang totoong target ng suspek, matapos ang insidente sa reception.

Ayon sa isang saksi, dumating si Gubat sa nasabing reception at hinanap nito si Rosal na kumakanta noon.

"Paglapit niya, sabi, 'Bakit p're?' 'Yun na, may narinig ako 'krak krak' tapos putok na. Siyempre, tumakbo na kaming dalawa ni Cleevan. Siyempre sumunod si Cleevan sa akin," kuwento ng saksi.

Tumakas daw ang pulis sakay ng motorsiklo.

Si Rosal naman, pinuntahan ang pulis sa bahay nito para komprontahin.

"Itong victim, sumugod dito sa bahay. Sinugod nila 'yung suspect papunta sa bahay. So pagdating naman sa bahay, dito nagkaroon na ng sunod-sunod na putukan. Nakita na itong biktima na nakahandusay na rito sa harapan ng bahay ng suspect," ani Police Staff Sergeant Michael Coronel, imbestigador ng kaso.

Sugatan naman si Gubat.

Nakunan pa ng CCTV ang mga residente na lumabas ng kanilang mga bahay matapos daw makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril.

Maya-maya pa, makikita ang tatay ni Gubat na humihingi ng tulong.

Isinakay ang pulis sa tricycle at isinugod sa ospital.

Iniimbestigahan pa ng pulisya kung sino ang bumaril sa pulis na nagtamo ng tama sa bala sa tiyan.

Alitan ang nakikitang motibo ng mga kaanak ni Rosal sa pamamaril pero hindi na nila ito idinetalye.

"Imagine mo, pulis ha. Pulis at that! Diyos ko! Duterte makakarating talaga sa kanya. Makarating talaga sa kanya ang galit ko talaga," sabi ni Ma. Cristina Rosal, nanay ng biktima.

Hindi naman naniniwala ang nanay ng pulis na ito ang nakapatay kay Rosal.

Kakauwi lang daw noong Sabado ni Gubat galing Nueva Ecija kung saan siya nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group.

"Hindi ako naniniwala. Walang magsasalitang kapitbahay pero kilala ng mga kapitbahay ang anak ko. Naging pulis ang anak ko. Mabait ang anak ko," ani Ofelia Gubat, ina ng nasabing pulis.

Posibleng maharap ang suspek na pulis sa mga reklamong murder at frustrated murder. —KG, GMA News