Hindi na naituloy pa ng isang nurse ang kaniyang pangarap na makapagtrabaho sa Amerika matapos siyang mapabilang sa mga nasawi sa bumagsak na eroplano sa Calamba City, Laguna noong Linggo.

Sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Martes, kinilala ang nurse na si Kirk Owen Badiola na tubong Baao, Camarines Sur, na nakatakda na sanang lumipad patungong Amerika.

Nagdadalamhati at nanghihinayang ngayon ang pamilya ni Kirk sa nangyari. Ayon kay Corazon Badiola, ina ni Kirk, nalaman niya na lamang ang sinapit ng anak nang tawagan siya ng girlfriend nito.

Panganay si Kirk sa tatlong magkakapatid at katuwang ng mga magulang sa pagtataguyod ng kanilang pamilya.

Nakatakda sanang ihatid ng mga nasawi sa plane crash ang isang pasyente mula Dipolog City papuntang Maynila.

"Sana matulungan na mai-transport 'yung labi ng anak ko," saad ni Corazon. —Jamil Santos/KG, GMA News