Bago ang krimen, naka-text pa umano ng trans woman na si Jessa Remiendo ang dalawang suspek na pumatay sa kaniya sa Pangasinan, ayon sa imbestigasyon ng Bolinao Police nitong Miyerkules.

Sa panayam sa GMA News TV "Quick Response Team," sinabi ni Police Major Dennis Cabigat na nakuha ng mga awtoridad ang cellphone ng biktima at doon nakita ang mga mensahe ng dalawang lalaking sumaksak sa kaniya noong Martes.

"Andun po ang conversation nila nang magkayayaan, kung saan sila magtatagpo," ayon kay Cabigat.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, matagal na umanong kakilala ni Remiendo ang mga suspek na sina Isagani Dollaga at Michael Orpano, isang mag-uuling at isang mangingisda.

Dagdag pa ni Cabigat, ayon daw sa saksi sa krimen, hindi naman nagtalo si Remiendo at mga suspek kaya nangyari ang pananaksak.

Lumalabas umanong pinagplanuhan ng dalawa ang krimen pero inaalam pa rin ang motibo ng mga suspek.

Hindi naman narekober ang kutsilyong ginamit sa pananaksak sa trans woman. —Dona Magsino/NB, GMA News