Namaga ang mukha ng isang Grade 6 student matapos suntukin ng kaniyang kaklase sa Virac, Catanduanes, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.
Kuwento ng estudyante, Hulyo pa nang magsimula ang pambu-bully sa kaniya.
Tatlo raw sa kaniyang mga kaklase ang madalas humingi sa kanya ng pera, at kapag hindi nakakapagbigay ay suntok, sipa at sampal ang kapalit.
Nagsumbong na ang biktima sa kanyang guro pero tila wala raw nangyari.
Kahapon lang nalaman ng magulang ng biktima ang pambu-bully nang makita ang namamagang mukha ng bata.
Nakaharap na ng pamilya ng biktima ang mga nambu-bully dito at ang pamunuan ng eskuwelahan.
Ililipat ng paaralan ang nanuntok sa biktima, habang ililipat ng section ang dalawang iba pa. —KBK, GMA News
