Nasawi ang isang binatilyo nang aksidente siyang matusok sa kuliglig sa Pangasinan. Ang biktima, naglalaro noon ng basketball at hinabol ang bola nang mangyari ang trahediya.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kilala ang biktima na si John Imbat, 15-anyos, ng Barangay Imbalbalatong sa Pozorrubio, Pangasinan.
Hinabol daw ng biktima ang bola na umabot malapit sa nakaparadang lumang kuliglig. Pero nawalan siya ng balanse at tumusok ang leeg niya sa matulis na parte ng kuliglig.
Ayon sa ina ng binatilyo, nagawa pa raw ng kaniyang anak na hatakin ang sarili sa pagkakatusok ng leeg sa kuliglig.
Naipaunawa na umano sa ina ni Imbat na aksidente lang ang nangyari at nakausap na rin ng punong barangay ang may-ari ng kuliglig.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang may-ari ng kuliglig.
Ayon sa kapitan ng barangay, boluntaryo raw ang tulong ng may-ari ng kuliglig at pinakiusapan na rin ang may-ari nito na alisin ang mga gamit malapit sa basketbolan.--FRJ, GMA News
