Hindi pa man nakababangon ang mga nasalanta ng lindol sa Mindanao noong nakaraang Oktubre 16, isa na namang lindol na may lakas na magnitude 6.6 ang tumama sa rehiyon, partikular sa Cotabato nitong Martes ng umaga.

Batay sa pinakahuling impormasyon, tatlo na ang nasawi at mahigit 100 naman ang nasugatan.

Sa impormasyon mula sa Office of Civil Defense sa Region 12, at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kinilala ang isa sa mga nasawi na si Nestor Narciso, 66, mula sa Koronadal City.

Inihayag naman ng North Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), na isang lalaki at isang bata ang nasawi sa Arakan, Cotabato.

"Mayroong rolling stone mula sa isang mountain then nabagsakan, natamaan po 'yung mag-ama sa farm. Bulubundukin po 'yung Arakan," sabi ni Mercy Foronda, pinuno ng North Cotabato PDRRMO, sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Tinatayang nasa edad 20 ang ama at lima hanggang anim na taong gulang naman ang bata.

Isang sanggol naman na isang taong gulang ang isinugod sa ospital sa Davao City.
Ayon sa NDRRMC, nasa 30 katao ang nasaktan sa Kidapawan City, habang 13 naman sa M'lang North Cotabato.

Sa pagtaya ni Foronda, mahigit 100 katao ang nasaktan sa North Cotabato dahil sa lindol, 91 sa kanila ang nakalabas na ng ospital at 18 ang nakaratay sa pagamutan.

Ayon sa PHIVOLCS, ang epicenter ng lindol ay nasa 06.92°N, 125.05°E - 026 km N 73° E ng Tulunan, Cotabato.

Niyanig din nito ang mga kalapit na lalawigan at lungsod, kabilang ang Davao City.
Naramdaman ang lindol sa iba't-ibang lugar:

Intensity VII - Tulunan & Makilala, Cotabato; Kidapawan City; Malungon, Sarangani
Intensity VI - Davao City; Koronadal City; Cagayan de Oro City
Intensity V -Tampakan,Surallah and Tupi, South Cotabato; Alabel, Sarangani
Intensity IV - General Santos City; Kalilangan, Bukidnon
Intensity III - Sergio Osmeña Sr., Zamboanga del Norte; Zamboanga City; Dipolog City; Molave, Zamboanga del Norte; Talakag, Bukidnon
Intensity I- Camiguin, Mambajao

Ayon kay North Cotabato Governor Emily Lou Mendoza, tinatayang tumagal ng isang minuto ang pagyanig.

Sinabi ng NDRRMC na 23 local government units ang nagsuspindi ng klase dahil na rin sa mga naramdamang aftershocks.

Inihayag naman ni PHIVOLCS director Renato Solidum na posible ang mga aftershock kapag malakas ang pagkilos ng "fault line."

"Dahil 'yung faults dyan ay may kakayahan na mas malaki sa [magnitude] 6.3 na pwede ipakawala, hindi po natin inaalis 'yung posibilidad na may sumunod na mas malaki," saad ng opisyal sa panayam ng GMA news TV "Balitanghali."

Sinabi naman ni presidential spokesperson Salvador Panelo na masusing sinusubaybayan ng pamahalaan ang sitwasyon sa pinsala ng lindol.

"All responsible government agencies and local government units are currently undertaking rapid damage assessment and needs analysis of affected areas and communities in order to properly assess the situation and coordinate rescue and relief operations,” ayon kay Panelo.

READ: Lindol sa Mindanao, 5 ang patay at 17 ang sugatan

Nito lang nakaraang October 16, isang magnitude 6.4 na lindol ang tumama sa central Mindanao na kumitil ng pito katao at ikinasugat din ng maraming iba pa.—FRJ, GMA News