Pinatay ng guwardiya ang isang kapwa niya guwardya sa Laguna, bago siya napatay nang manlaban umano siya sa mga rumespondeng pulis, ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Hindi pa rin matanggap ng pamilya ni Almond Sardeng ang biglang pagkamatay ng kanilang padre de pamilya, security guard sa isang subdivision sa Sta. Rosa Laguna.
Binaril sa bibig at sa dibdib si Sardeng ng kapwa-gwardiya sa subdivision na kinilalang si Jerry Angeles, na napatay matapos daw manlaban sa rumespondeng Sta. Rosa SWAT.
Kuwento ng isang katrabahong gwardiya, siya muna ang unang tinangkang barilin ng suspect.
Ayon sa imbestigasyon, nawalan daw ng baril ang suspek at pinagbibintangan daw niyang ninakaw ito ng kapwa niya gwardiya. Bagong service firearm daw ang gamit ni Angeles nang mamaril. —KBK, GMA News
