Saludo ang netizens sa isang pulis sa Sorsogon na nagpaanak sa loob ng tricycle.

Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, huminto sa tapat ng police station ang tricycle na sinasakyan ng buntis at humingi ng tulong ang driver nito. Limang kilometro pa kasi ang layo ng ospital mula sa police station.

To the rescue naman ang naka-duty na si Police Staff Sergeant Godwin Lladones na nagkataong isa ring registered nurse.

Siya na ang nagpaanak sa ginang sa loob ng tricycle.

Sa ngayon, nagpapagaling na ang babae at ang kanyang sanggol. —KBK, GMA News