Apat katao ang nasawi, habang anim na iba pa ang sugatan matapos suyurin ng isang pickup truck ang walong sasakyan sa McArthur Highway sa Bocaue, Bulacan. Paliwanag ng 67-anyos na driver ng pickup, bigla na lang daw nag-"wild" ang sasakyan.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, nahuli-cam pa sa CCTV ang itim na pickup na minamaneho ni Fernando Roxas, na humaharurot ang takbo.

Hindi na nakunan ang aktuwal na pag-araro niya sa mga sasakyan na kinabibilangan ng dalawang tricycle, apat na motor, isang suv at isang L-300 van.

Tatlo sa mga biktima ang kaagad na nasawi sa lugar na pinangyarihan ng insidente, habang sa ospital naman binawian ng buhay ang isa pa.

Sa anim naman na sugatan, apat umano ang kritikal ang kalagayan.

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, natuklasan na una na palang may nasaging motorsiklo ang pickup truck sa overpass ng Bocaue. Pero sa halip na tumigil, nagtuloy-tuloy ito sa pagharurot hanggang sa makabangga pa ng walong sasakyan.

Hinala ng mga awtoridad, nagkamali ng tapak sa silinyador ng gasolina ang suspek sa kagustuhang matakasan ang motorsiklo na unang nabangga kaya lalo itong umarangkada at napunta sa maling linya ng highway.

Pero paliwanag ni Roxas, bigla na lang daw nag-"wild" umano ang kaniyang sasakyan at hindi na niya makontrol.

Plano nga raw niyang ibangga sa pader ang sasakyan na hiniram lang niya pero wala umano siyang makita na puwedeng pagbanggaan.

Iniisip din umani niya ang kaligtasan ng kaniyang anak na kasama niya sa sasakyan.

Nakakulong na ngayon ang suspek na handa raw sagutin ang gastusin ng mga namatayan at mga naospital.

Posible siyang mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to properties, ayon sa pulisya.--FRJ, GMA News