Nasawi ang tatlong magkakaibigan nang sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa likod ng isang trak sa San Jose, Batangas.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, kinilala ang isa sa mga biktima na si Maximino Alcantara III, na siyang nagmamaneho ng kotse.

Nangyari ang trahediya sa Barangay Banay 1st sa San Jose nitong Martes ng madaling araw. Galing daw ang tatlong sa pamamahagi ng relief goods sa mga naapektuhan ng pag-alburuto ng bulkang Taal.

Papauwi na raw ang grupo nang mawalan ng kontrol ang kotse at bumangga sa likod ng trak.

Ayon sa ina ni Alcantara, sadya raw matulungin ang kaniyang anak, ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras."

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang dalawa pang biktima.

Sa panayam kay Police Major Neil Christopher Gaspar, hepe ng San Jose police, sinabi nito na dahil sa kakulangan ng gamit ng kanilang fire department, kinailangan pa nilang humingi ng tulong sa fire department ng Batangas City para makuha ang mga biktima na naipit sa sasakyan.

Nang marating umano nila ang lugar ng aksidente, napansin nila na hindi na gumagalaw ang driver ng kotse at katabi nito, habang gumagalaw pa ang nasa likod.

Kaagad na nasawi ang dalawa na nasa unahan ng kotse, habang sa ospital na binawian ng buhay ang nakapuwesto sa likod.

Ayon pa sa opisyal, napansin din nila na mayroong mahabang skid mark sa highway. Maaari din umanong naapektuhan ng ashfall ang kalagayan ng kalsada na naging dahilan ng sakuna.

Bagaman hindi nila ikinulong ang driver ng truck dahil sa paniwala na hindi nito kasalanan ang aksidente, sinabi ni Gaspar na handa pa rin nilang tulungan ang pamilya ng mga biktima kung sakaling magdesisyon silang idemanda ang driver ng trak.

Patuloy din umano ang ginagawa nilang imbestigasyon para malaman ang tunay na sanhi ng sakuna.--FRJ, GMA News