Kritikal umano ang lagay ng mga unang pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Visayas na si Patient 39 at si Patient 40 sa Mindanao.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing konsehal sa Tayasan, Negros Oriental si Patient 39, lalaki at 64-anyos.

Isa umanong kidney transplantee ang pasyente at maituturing na immuno compromised, ayon sa Department of Health.

Batay sa nakalap na impormasyon ng Provincial Health Office, nagtungo sa Maynila ang pasyente noong Pebrero 26 kasama ang apat na kapwa konsehal para dumalo sa pagtitipon ng League of Councilors sa SMX Convention Hall, na ginanap noong Pebrero 27.

Sa naturang pagtitipon, idinaos ang botohan ng mga opisyal sa naturang liga na dinaluhan ng daan-daang konsehal mula sa iba't-ibang panig ng bansa.

Pagkatapos nito, maghapon daw namalagi ang grupo ng pasyente sa Greenhills, San Juan noong Pebrero 28, at dito umano posibleng nakuha niya ang virus.

Umuwi siya ng Tayasan noong Marso 1, at dumalo sa sesyon ng  Sangguniang Bayan at isang graduation ng mga elementary student sa isang paaralan sa lugar noong Marso 2.

Marso 3 nang magsimula raw makaramdam ng sintomas ng sakit ang pasyente na nagsimula sa diarrhea, na nasundan ng ubo at lagnat.

Nakumpirmang positibo siya sa virus nitong Miyerkules, Marso 11.

Dahil dito, tinutukoy na ang lahat ng kaniyang nakasalamuha, at maging ang alkalde ng bayan ay naka-quarantine na ngayon.

Nagsagawa na rin ng pag-disinfect sa munisipyo at mga lugar na pinuntahan ng pasyente.

Lima umano sa nagkaroon ng close contact kay Patient 39 ang nilalagnat  at  dadalhin sila sa isolation room ng Negros Oriental Provincial hospital para gamutin.

Samantala, sa Cagayan de Oro City naman naitala ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa Mindanao na si Patient 40, isang lalaking 54-anyos,  na napag-alamang nagtatrabaho sa Pasig at may opisina rin sa San Juan.

Sa hiwalay na ulat ni Marisol Abdurahman, sinabing kritikal ngayon ang kaniyang lagay sa Northern Mindanao Medical Center sa CDO.

Dahil nahihirapang humingi, naka-ventilator umano ngayon ang pasyente.

Batay sa nakuhang travel history ng pasyente, mula sa Pasig ay dumating siya sa Iligan noong Marso 3 na masama na ang pakiramdam kaya kaagad dinala sa ospital at na-confine.

Marso 8 ay inilipat siya sa Northern Mindanao Medical Center na malala na ang pneumonia.

Kasabay ng paghanap sa mga nakasalamuha ng pasyente, lalo raw naghigpit ang lokal na pamahalaan ng CDO para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Sa tala ng DOH-Region 10, umabot sa 25 ang person under investigation na kinabibilangan ng ilang dayuhan. Sa naturang bilang, lima pa lang ang nasa ospital.--FRJ, GMA News