Dalawang persons under investigation (PUI) na posibleng nahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Tarlac ang pumanaw bago pa lumabas ang resulta ng pagsusuri na isinasagawa sa kanila.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabi ni Tarlac Governor Susan Yap na dinala sa ospital ang dalawang pasyente nitong Lunes pero binawian na sila ng buhay pagkaraan ng ilang oras.
Ayon sa gobernador, isa sa mga pasyente ay bus driver na nagtatrabaho sa Metro Manila.
Umuwi raw ang pasyente sa Tarlac bago pa maipatupad ang community quarantine.
"Nung magla-lockdown ang Maynila, marami pong taga-Maynila na umuwi ng Tarlac...ng probinsiya," sabi Yap.
Kapwa lalaki ang dalawang pasyente na nakatira sa magkaibang bayan sa Tarlac.
"They were admitted to hospital not because of COVID but because of preexisting illness. Ang health protocol ay pag may signs like umuubo, automatic pinapa-swab namin yun at pinapa-test," dagdag ni Yap.
Ipinadala ang nakuhang sample sa dalawang pasyente sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM).
Sabi ni Yap, batay sa huling bilang ng Department of Health ay mayroong 23 PUIs sa Tarlac.--FRJ, GMA News
