Para mapigilan ang paglala ng hawahan, magtatayo ng central quarantine facility ang lalawigan ng Bulacan para doon dalhin ang mga persons under investigation (PUI) ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa "Dobol B sa News TV," na iniutos niya ang mabilis na pagtatayo ng naturang pasilidad para magamit na sa susunod na linggo.
“Ito po ay para ang lahat ng PUI ay doon na dadalhin at kung maaari ay tanggalin na sa mga tahanan,” sabi ni Fernando .
“Hangga’t ‘di natin tinatanggal sa tahanan, dadami at dadami po ito kung sakali mang magkaroon ng positive,” dagdag niya.
Sa ngayon, 18 ang kompirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan, at mayroong 270 PUIs at mahigit 2,000 persons under monitoring.
Ayon kay Fernando, malapit sa Bulacan Medical Center sa Malolos ang gagawing quarantine facility, na magsisilbing staging area para sa PUIs.
Hiniling din niya sa Department of Health na payagan ang pag-operate ng regional COVID-19 testing center.
“Per region po dapat mayroon na tayo para mas madaling ma-identify ang mga PUI sa tahanan,” mungkahi niya.
“Kinakailangan bawat region ay may lab testing. Maglagay na para mabilis ang testing kasi napakatagal ng dating ng results sa totoo lang,” dagdag ng gobernador.
Una rito, isinailalim na ang Bulacan sa state of calamity dahil na rin sa banta ng virus.--FRJ, GMA News
