Pag-asa ang hatid ng paggaling ng isang 83-anyos na lola sa Sta. Rosa, Laguna mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). Sa ngayon, siya ang itinuturing pinakamatandang pasyente na gumaling sa naturang virus sa bansa. May mensahe rin siya kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Labis ang kasiyahan ng mga health worker sa ospital na nag-asikaso kay Sta. Rosa Patient 3 dahil ang mga nakatatanda at mga dati nang maysakit ang higit na peligroso sa COVID-19.

"'Wag po nila (senior citizens) isipin na mawawalan na sila ng pag-asa dahil po ang Diyos ay hindi natutulog,” saad ni lola sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Martes.

"Ako po ay nagdiwang sa loob ng aking kuwarto. Hindi ko alam kung ako ba ay sasayaw o hindi," sabi niya nang tanungin kung ano ang naisip noong nalaman niyang magaling na siya.

Labis din ang pasasalamat ni lola sa mga doktor at nurse na tumulong sa kaniya para gumaling.

“‘Wag po kayong magsawang tumulong. Kayo po ang aming gabay. Kayo po ang mag-aalaga sa amin,” sabi niya.

Dagdag pa ni Patient 3, mga dasal, pagmamahal at suporta ng kaniyang pamilya at ng lokal na pamahalaan ng Sta. Rosa ang mga naging susi sa kaniyang paggaling.

Pinasalamatan niya rin si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagtulong sa mga Pilipino sa sitwasyong ito.

Mensahe niya sa Punong Ehekutibo, “Presidente Duterte, ‘wag po kayong magsawang tumulong sa mga Pilipino. Labanan natin ang COVID,” aniya ni lola.

Samantalaga, sabi ni Mayor Arlene Arcillas na si Patient 3 ay isang tunay na inspirasyon para sa elderly community.

“Sinasabing ‘pag senior medyo delikado but then again, si nanay showed us na talagang kung susunod ka lang sa dapat gawin ay gagaling ka. Hindi kami bumibitaw dito,” sabi ni Arcilla.

Kasalukuyang mayroong 11 na kaso ng COVID-19 sa Sta. Rosa. Isa na ang namatay at dalawa na ang gumaling.

Sa buong bansa, ang bilang ng kaso ng COVID-19 ay umabot na sa 2,084.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News