Nalagasan na naman ang hanay ng health workers na humaharap sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos na pumanaw ang isang nurse na nahawahan ng naturang virus sa Canatuan City, Nueva Ecija.

Sa Facebook post ng Philippine Nurses Association Inc. nitong Miyerkules, kinilala ang pumanaw na nurse na si Arvin Pascual, ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center.

Nagtapos si Pascual sa College of Nursing and Allied Medical Sciences ng Wesleyan University-Philippines sa Cabanatuan.

Nagpaabot naman si University president Benjamin Tugano, ng pakikiramay sa pamilya ni Pascual, at kinilala ang “selflessness and dedication to the call of duty” ng namayapang nurse.

ADVERTISEMENT

Si Pascual ang pinakabagongnadagdag sa humahabang listahan ng itinuturing na mga bagong bayaning health workers na pumanaw dahil sa pagtugon sa kanilang tungkulin sa harap ng paglaganap ng COVID-19.

Kabilang sa mga nasawi sa COVID-19 ay mga duktor, kasama ang mag-asawang sina Dra. Helen at Dr. Dennis Tudtud, na magkasunod na binawian ng buhay sa Cebu.

READ: Mag-asawang doktor na pumanaw sa COVID-19, pagsisilbi sa kapwa ang nasa isip hanggang sa huli

Sa nationally televised address nitong Lunes ni Pangulong Rodrigo Duterte,  nagbigay-pugay siya sa mga frontliner na lumalaban sa COVID-19.

Mapalad din umano ang health workers na pumanaw habang tumutugon sa kanilang sinumpaang tungkulin panahon ng pakikipaglaban sa virus.

“I assure you that your efforts will be rewarded. Your heroism will not be forgotten. Saludo kami sa inyo,” anang pangulo.

Nitong Miyerkules, iniulat ng Department of Health na 2,311 na ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 96 ang nasawi, at 50 ang gumalin. --FRJ, GMA News