Naputol ang halos dalawang linggong walang naitatalang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Baguion City matapos na magpositibo sa virus ang isang street-sweeper.

Ayon sa Public Information Office ng lungsod, nagpositibo sa virus ang 46-anyos na babae mula sa Barangay Dagsian, at nagsisilbing street-sweeper sa Scout Barrio.

Abril 3 umano nang makaramdaman ng sintomas ng sakit ang babae, at nagpa-check up nitong Abril 7.

Kinabukasan, Abril 8, isinailalim siya sa rapid test at lumitaw na positibo siya sa COVID-19. Kinuhanan naman siya ng throat swab noong April 9 at batay sa resulta ng polymerase chain reaction (PCR) nitong Biyernes ay positibong nahawahan siya ng deadly virus.

Inihayag din ng PIO na isinagawa na ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyente.

Ayon pa sa PIO, 154 na pinaghihinalaang nahawahan ng COVID-19 ang isinailalim na sa rapid testing. Lima sa mga ito ang nagpositibo, pero nagnegatibo naman ang apat nang isailalim sa PCR confirmatory test sa Baguio General Hospital and Medical Center.

Kamakailan lang, pinuri ang Baguio City dahil sa mababang kaso nila ng COVID-19 cases.

Sa pinakahuling datos mula sa Department of Health, 4,195 na ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 221 ang nasawi, at 140 ang gumaling.—FRJ, GMA News