Nakalabas na ng ospital ang pitong-taong-gulang na pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Dumalinao, Zamboanga del Sur. Siya na ang ikatlong pasyente sa lalawigan na gumaling sa nakamamatay na virus.
Ayon kay Dr. Anatalio Cagampang, Zamboanga Del Sur Medical Center, dalawang beses na kinuhanan ng swab test ang bata sa Zamboanga Del Sur Medical Center at negatibo na ang resulta.
Maging ang ina ng bata na kasama ng pasyente sa ospital ay negatibo rin sa virus.
Kaya naman nitong Martes ng umaga ay pinayagan nang lumabas ng ospital ang bata pero kailangan pa rin niyang mag-quarantine ng 14 na araw.
Ang batang pasyente ang ikatlong dinapuan ng COVID-19 sa lalawigan na gumaling na sa virus.
Ayon kay COVID-19 Task Torce Zamboanga Del Sur spokesperson Dr. Robert Capatoy, mayroon pa rin silang mga kababayan na persons under monitoring at persons under investigation na nasa mga ospital.
“Ang pag-negative sa tatlong COVID patient natin, hindi nangangahulugang negative COVID free na ang Zamboanga Del Sur,” sabi ni Capatoy.
Hinihikayat pa rin nila ang mga tao na manatili muna sa kani-kanilang bahay.--FRJ, GMA News
