Iniulat ng lokal na pamahalaan ng Tagaytay na nakapasok na sa kanila ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos na magpositibo sa virus ang isang medical frontliner.

“Ipinababatid po sa mga mamamayan ng Tagaytay na mayroon na po tayong isang POSITIVE na kaso ng COVID-19 sa ating lungsod,” pahayag ni Mayor Agnes Tolentino sa Facebook page ng Tagaytay city government.

“Ginagawa po ng ating pamahalaang lungsod ang lahat ng hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng COVID sa ating pamayanan,” dagdag niya.

Isang 29-anyos na medical frontliner na nagtatrabaho sa isang ospital ang unang kaso ng COVID-19.

Inaalam na ng mga awtoridad ang mga taong nakasalamuha niya.

Pinayuhan naman ng alkalde ang mga tao na manatili sa kanilang mga bahay at subaybayan ang mga direktiba ng lokal na pamahalaan.

Ngayong Huwebes, iniulat ng Department of Health na umabot na sa 5,660 ang COVID-19 cases sa Pilipinas, 435 ang gumaling at 362 naman ang mga nasawi.--FRJ, GMA News