Isang radio reporter ang patay matapos barilin sa Barangay Daro, Dumaguete City sa Negros Oriental nitong Martes ng gabi.

Sa paunang impormasyon mula sa pulisya, kinilala ang biktima na si Cornelio Pepino, o "Rex Cornelio, 48-anyos, at reporter/announcer for DYMD Energy FM.

Sakay umano ng motorsiklo si Pepino at angkas ang asawa nang sabayan sila at pagbabarilin ng dalawang salaring sakay ng motorsiklo sa Villa Amada sa North Road dakong 8:30 p.m.

ADVERTISEMENT

Isinugod ang biktima sa Silliman University Medical Center pero hindi na umano umabot nang buhay ayon sa duktor.

Hindi naman nabanggit sa ulat ang kalagayan ng asawa ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring krimen.

Mariin namang kinondena ni Presidential Task Force on Media Security executive director Joel Egco, ang pagpatay kay Pepino.

"We denounce in the strongest terms the killing of Cornelio Pepino aka Rex Cornelio of DYMD Energy FM in NegOr. JUSTICE will be served," ayon sa opisyal sa kaniyang Facebook post.

"We have directed the Negros Oriental and Dumaguete City Police to hunt down the suspects. As in the past cases we handled, we will leave no stone unturned," dagdag niya.--FRJ, GMA News