Upang makatulong sa mga kababayang nahihirapan sa buhay dahil sa epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19, naisipan ng pari ng Santa Clara, Lamitan, Basilan na magtinda ng isda. Ang kita, ipinambili niya ng relief goods na ipinamigay niya sa mga tao.

Naisipan ni Fr. Joel Silagpo, na gawing puhunan para ipambili ng mga panindang isda ang natitirang donasyon na nalikom ng simbahan.

Sa labas ng simbahan ay itinayo ni Fr. Silagpo ang maliit na tindahan na tinangkilik naman ng kaniyang mga kakabayang nais ding makatulong.

Ang kinita sa mga unang araw ng pagtitinda ay ibinili ni Fr. Silagpo ng mga pagkain para ipamamahagi bilang relief goods.

Nilinaw ng pari na nagbibigay ng relief goods ang lokal na pamahalaan ng Lamitan at ang inisyatibo niya na mamigay ng ayuda ay bilang tulong na rin niya sa pamahalaan at sa mga tao.

Inihayag din ni Fr. Silagpo na pagkakalooban niya ng tulong ang sinumang nangangailangan kahit ano pa ang relihiyon nito.

Ipagpapatuloy din umano niya pagtitinda ng isda upang patuloy din siyang makatulong sa mga kababayan.

Sa ngayon ay nananatiling COVID-19 free ang Basilan.

--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News