Ipinarating ni Max Collins ang kaniyang mensahe ng pagmamahal sa kaniyang baby boy, na nakatakda niyang iluwal sa susunod na buwan.

"Anak sana mabait ka, sana healthy ka, normal ka, sana God-fearing ka, sana hindi mo pahirapan si mommy at si daddy at excited na akong alagaan ka," sabi ni Max sa GMA News "Unang Hirit" nitong Miyerkoles.

Nagdesisyon si Max na manganak sa kanilang bahay dahil na rin sa banta ng COVID-19.

"Decided po kami na home water birth, so sa pool lang manganganak because wala pong gamot or pain reliever so bale 'yun 'yung magiging pain reliever ko, 'yung water," kuwento ng Kapuso actress.

Ipinasilip ni Max ang birthing pool kung saan siya manganganak, pati na rin ang panonood niya ng online gentle birth classes para makapaghanda sa kaniyang panganganak.

Nasa tabi ni Max sa kaniyang panganganak ang mister na si Pancho Magno, na isa ring registered nurse.

"Pati siya na-realize niya na okay din pala manganak sa bahay because it's not as scary as it seems kapag prepared ka," kuwento pa ni Max tungkol kay Pancho.--Jamil Santos/FRJ, GMA News