Dalawa ang patay at lima ang sugatan sa pitong magkakaanak na pinagtatataga ng isang salarin na pinag-usapan nila sa inuman sa Banga, South Cotabato.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulis na habang nag-iinuman ang ilan sa mga biktima, narinig ng suspek na nabanggit ng grupo ang kaniyang pangalan.

Dahil dito, nagalit ang suspek at sinugod at pinagtatataga ang mga biktima gamit ang karit.

ADVERTISEMENT

Tinutugis na ng mga pulis ang suspek.

Samantala sa Hermosa, Bataan, sugatan ang isang lalaki sa pamamaril ng sariling kapatid.

Pahayag ng mga pulis, nagkainitan ang magkapatid matapos silang magtalo sa gitna ng inuman.

Nagtamo ng tama ng bala sa likod at sa pisngi ang biktima.

Isinugod ang biktima sa ospital. Tumakas ang suspek, pero nadakip din siya. —Jamil Santos/LBG, GMA News