Tatlo ang nasawi sa karambola ng tatlong sasakyan sa Santa, Ilocos Sur, ayon sa Ronda Probinsiya portion ng Unang Balita nitong Martes.

Sangkot sa karambola ang isang motorsiklo, tricycle at truck.

Ayon sa ulat, sinalpok ng motorsiklo ang likurang bahagi ng tricycle, dahilan para mawalan ito ng kontrol at mapunta sa kabilang lane kung saan ito nabangga ng truck.

Patay ang mag-ama at kaibigan nilang sakay ng tricycle. Desidido ang pamilya nila na magsampa ng kaso.

Wala pang pahayag ang babaeng rider ng motorsiklo samantalang nasa kustodiya na ng pulis ang driver ng truck na humingi ng tawad sa nangyari. --KBK, GMA News