Tiklo sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang dalawang estudyanteng mag-live-in sa Baguio City, ayon sa Ronda Probinsiya portion ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Aabot sa P340,000 na halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha mula sa dalawang suspek na edad 20 at 19 na kapwa hindi nagbigay ng pahayag.

Samantala, sa Pagadian City, bistado rin sa buy-bust ang bentahan ng iligal na droga sa isang lodging house.

Dalawa ang arestado na kinilalang sina John Kenneth Gambol na target umano ng operasyon, at Adrian Orbesido.

Nabawi ang P500 marked money na ginamit sa operasyon habang nasamsam naman ang tatlong sachet ng umano'y shabu.

Dati na raw nakulong si Gambol dahil sa droga. --KBK, GMA News