Natagpuang patay at tadtad ng saksak ang isang babaeng driver sa Calamba, Laguna, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Jang Lucero, 34, na suma-sideline bilang tagahatid ng pasahero gamit ang kaniyang kotse matapos mawalan ng trabaho dahil sa lockdown.

Hanggang ngayon, palaisipan pa sa otoridad ang motibo sa pagpatay kay Jang,  habang labis naman ang pangungulila ng kaniyang mga kaanak.

ADVERTISEMENT

"Ang sakit... yung mga alaala naming dalawa [kapag] maalala ko, masakit," emosyunal na tugon ni Angela Lucero, ina ng biktima.

Linggo ng gabi nang matagpuan ang bangkay ni Jang na tadtad ng saksak sa loob mismo ng kaniyang kotse sa Bypass Road sa Calamba. Ayon sa kaniyang ina, birthday gift ni Jang sa sarili ang kotse nito lamang Pebrero.

Kuwento ng girlfriend ni Jang na si Meyah Amatorio, nagpaalam ang biktima noong Linggo ng gabi na may ihahatid na tatlong pasahero mula Laguna hanggang Gil Puyat sa Metro Manila.

Matapos ang ilang oras, ilang beses daw tinatawagan ni Meyah si Jang sa cellphone pero hindi na ito sumasagot hanggang sa pulis na ang kaniyang nakausap. Doon na sila pinapunta sa presinto at ipinaalam ang nangyari kay Jang.

"Wala akong naaalala na may nakaaway siya before o ngayon," ani Meyah.

Wala raw nawala sa mahahalagang gamit ni Jang tulad ng kaniyang dalawang cellphone.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen. —KBK, GMA News