Isang pulis sa Titay, Zamboanga Sibugay ang napatay matapos mapagkamalang kalaban ng kapwa niya pulis, ayon sa Ronda Probinsiya portion ng Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang nakapatay na pulis na si Patrolman Laurence Ancheta, na labis ang pagsisisi sa nangyaring insidente. Dahil sa maling akala, napatay niya si Police Corporal George Baltazar.

Ayon sa imbestigasyon, napagkamalang kalaban si Baltazar nang pumasok ito sa presinto nang hindi naka-uniporme.

Ani Ancheta, ilang beses niyang tinanong si Baltazar kung sino siya pero hindi raw ito sumagot. Bukod dito, bumunot din daw ng baril si Baltazar.

Sumuko naman agad si Ancheta, na nahaharap sa kasong homicide. KBK, GMA News