Natagpuan sa ilog ang bangkay ng isang 13-anyos na babae sa Davao City. Ang naarestong suspek, umamin sa krimen at idinahilan na nagalit siya dahil sa nakawalang aso ng biktima.

Sa ulat sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Melissa Mercedes Gabato, ng Paquibato District.  Inaresto naman si Melchor Auguis, na sinasabing huling nakitang kasama ng biktima.

Hinihinala ng mga awtoridad na tinapon lang sa ilog ang katawan ng biktima.

"Base sa imbestigasyon namin sa crime scene, nakita namin ang tali ng kabayo mo. Umamin din 'yung asawa mo na 'yun 'yung tali ng kabayo mo," sabi ni Paquibato Police Station chief Captain Mervin Montecillo, sa suspek.

Patuloy ng opisyal, "Witness 'yung nakatatandang kapatid ng batang biktima. Nakita na niya 'yung kapatid niya nasa bahay niyo. Doon daw niya iniwan sa bahay niyo. Ang tao raw doon ikaw lang at ang biktima."

Umamin naman ang suspek at sinabing nagalit siya sa biktima dahil sa nakawalang aso nito.

"Ako na nagparaya, sir. Anong magagawa ko, nangyari na," sabi ni Auguis.

Nang mahuli ang suspek, tila nasa impluwensiya raw ng ilegal na droga kaya isasailalim sa drug test.

Sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News