Patay ang isang ginang matapos siyang saksakin sa likod ng kaniyang mister sa Pagadian City. Ang hinihinalang ugat ng krimen, ang hindi raw pagbibigay ng biktima ng P50 sa suspek.

Ayon sa ulat ni Cedric Castillo sa “24 Oras,” inabutan ng mga awtoridad na duguan sa kanilang bahay sa Barangay Lison Valley ang biktimang si Analyn Tambong, at mister niyang si Limar.

Patay na ang biktima habang naisugod naman sa ospital ang suspek na kritikal umano ang kalagayan.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumilitaw na nanghingi ng P50 si Limar sa kaniyang misis.

Nang tumanggi si Analyn, kumuha umano ng itak si Limar at sinaksak nito mula sa likod ang kaniyang misis.

“Siguro tumangging magbigay ang kaniyang partner kaya dumating sa punto na naging ganyan ang kaniyang pag-iisip,” ayon kay Barangay Captain Joel Babayson.

Matapos mapatay si Analyn, nagsaksak naman sa sarili si Limar, ayon sa imbestigasyon.

Hinala ng hepe ng Pagadian Police, posibleng nawala sa tamang pag-iisip ang suspek kaya nito nagawa ang krimen.

Nahaharap ang suspek sa kasong parricide, at nasa pangangalaga ngayon ng kanilang lola ang tatlong anak ng mag-asawa.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News