Isang 42-anyos na caretaker na lalaki ang dinakip ng mga awtoridad matapos na ireklamo ng panggagahasa ng isang 80-anyos na lola sa Aborlan, Palawan.

Sinabi ni Police Major Benigno Conde, hepe ng Aborlan Police, sa isang panayam sa radyo, na nitong Hulyo 3 nang maganap ang krimen habang pauwi na ang biktima, na kabilang sa tribung Tagbanua.

Batay umano sa salaysay ng lola nang magsumbong sa pulisya kasama ang kaniyang apo, bigla na lang siyang sinunggaban ng suspek at binitbit patungo sa isang masukal na lugar at doon ginahasa.

Kaagad umanong umalis ang salarin matapos na gawin ang krimen, habang humingi naman ng saklolo ang lola.

Lumitaw umano sa medical examination na isinagawa sa biktima na positibong ginalaw ang biktima, ayon kay Conde.

Naaresto naman ang suspek kinalaunan pero itinanggi umano nito ang paratang sa kaniya ng biktima.

Nakakulong ngayon ang suspek at sasampahan ng kaukulang reklamo.--FRJ, GMA News